Dinukot nang apat na armadong kalalakihan ang isang American tourist at driver nito sa Queen Elizabeth National Park sa Uganda at humingi ng $500,000 o halos 26 million pesos bilang ransom.

Kinilala ang biktima na si Kimberley Sue Endecott, 35 anyos. Kasalukuyang binabagtas umano ng Ugandan driver na kinilalang si Jean Paul ang Queen Elizabeth National Park ng bigla na lamang silang harangin ng apat na armadong lalaki.

Ayon sa mga otoridad, iba’t ibang illegal groups mula Somali Islamists ang nagpapatakbo sa Uganda, ngunit hindi nito kinumpirma ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Dagdag pa ng mga ito na ginamit di-umano ng mga suspek ang cellphone ng biktima upang tumawag at humingi ng ransom money.

Sa kabila nito ay bumuo na ang Tourism Police ng “elite squad” at isinara ang lahat ng exit areas sa border ng Uganda at Democratic Republic of Congo sa paniniwala na hindi pa nakakalayo ang mga suspek.