CAUAYAN CITY – Patay ang isang ama habang nasugatan ang kanyang anak matapos silang pagsasaksakin ng nakaalitang kabitbahay sa kalagitnaan ng kanilang pagsusugal ng dice sa Purok 2, San Vicente, lungsod ng Ilagan.

Ang nasawi ay si Manuel Manaligod, 48 habang nasugatan ang kanyang anak na si Maxwell, 20, binata, private employee, kapwa residente ng barangay San Vicente, lungsod ng Ilagan.

Ang suspek ay si Ruben Eugenio, nasa wastong edad at residente rin sa nabanggit na barangay.

Sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, nagkaroon ng mainitang pagtatalo dahil sa 50 pesos na pusta sa nilalarong dice ang biktimang si Manuel at ang suspek kasama ang iba pa.

Dahil tumitindi ang tensyon sa pagitan ng dalawa ay umawat si Maxwell sa away ng kanyag ama at ni Eugenio na nasa impluwensiya umano ng alak.

Sinuntok siya ng suspek pagkatapos ay kinuha ang kanyang patalim at pinagsasaksak ang mag-amang Manaligod.

Isinugod ang mag-ama sa pinakamalapit na ospital at dahil sa malubhang saksak sa likod ni Manuel ay inilipat siya sa isang pribadong ospital sa lungsod ng Cauayan ngunit binawian siya ng buhay.

Naaresto si Ruben Eugenio at sasampahan ng kasong pagpatay at bigong pagpatay.