-- Advertisements --

Nanawagan ng hustisya ang ama ng yumaong Ateneo Blue Eagles men’s basketball player na si Divine Adili matapos ang sinapit ng kanyang anak sa isang team building activity sa Aurora nitong Hunyo 8, 2026.

Matatandaang opisyal na inanunsyo ng Ateneo de Manila University ang pagpanaw nina Adili at rookie player na si Rene Clert Baterbonia matapos umanong malunod sa isinagawang aktibidad ng koponan sa Dipaculao, Aurora.

Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Hunyo 12, iginiit ni Elias Adili, ama ni Divine, ang kanyang panawagan para sa hustisya at pananagutan kaugnay ng insidente.

“I want justice for my Son Chukwuemeka Divine Adili who along [with] others stood in for Nigeria in the All Nation Tournament in Philippines in 2024,” ani Elias.

Ibinahagi rin niya ang naging ambag ng kanyang anak sa Ateneo basketball program at sa mga internasyonal na torneo, kung saan ayon sa kanya ay nagpakita ito ng dedikasyon at husay.

“Divine… he gave his all to ATENEO BLUES 3rd ranked University in Philippines,” dagdag pa niya.

Sa parehong pahayag, ipinahayag ng ama ang matinding dalamhati ng kanilang pamilya at iginiit na ang pagkamatay ng kanyang anak ay dulot umano ng “carelessness.”

“Divine your Family is highly pained and devastated by your demise out of carelessness,” aniya.

Nagtapos ang kanyang mensahe sa pagpapahayag ng matinding pangungulila sa kanyang anak.

“Divine we miss you and our tears seems endless,” saad niya.

Sa kasalukuyan, nananatili ang labi ni Adili sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City, habang ang labi ni Baterbonia ay naiuwi na sa Davao City.