CAUAYAN CITY – Isang mister ang ipinakulong mismo ng kanyang misis dahil sa panggagahasa sa kanilang menor de edad na anak sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PSSgt. Hazel Krislie Ignacio, tagasiyasat ng Women and Children Protection Desk at Police Non Commissioned Officer ng Police Station 4, sinabi niya na paulit-ulit na ginahasa ng akusado ang sariling anak habang nasa ibang bansa ang kanyang asawa.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nangibang bansa ang ina ng 13-anyos na dalagita na naiwan sa pangangalaga ng kanilang ama kasama ang 8-anyos na kapatid.
Hindi agad nagsumbong ang dalagita dahil palagi siya nitong binabantayan lalo na kung tumatawag ang ina.
Nakapagsumbong ang biktima sa kanyang tiyahin na siyang nagparating sa ina sa panggagahasa ng ama.
Umuwi ang ina ng dalagita sa Santiago City at siya mismo ang personal na nagsampa ng kaso laban sa kanyang mister.
Kasong qualified rape at paglabag sa Republic Act 7610 (Child Abuse Law) ang isinampa laban sa asawa.
Nagpaalala ang pulisya sa lahat ng mga biktima ng pang-aabuso na huwag matakot magsumbong sa kanila o sa kanilang pinagkakatiwalaang tao upang mapanagot ang pinaghihinalaan.