-- Advertisements --

Aprubado na ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang isang panukalang maglulunsad ng Alternative Learning System – Community Learning Center (ALS-CLC) sa bawat lungsod at munisipyo sa bansa.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian na may akda ng panukalang Alternative Learning System Act, mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong matapos ang kanilang pag-aaral kung bawat lungsod at munisipyo sa bansa ay may sarili nitong ALS CLC.

Paliwanag ni Gatchalian ang ALS ay isang programa sa ilalim ng Department of Education o DepEd na layong bigyan ng libreng edukasyon ang mga mamamayang hindi makapasok sa mga paaralan dahil sa kawalan ng kakayahan na magbayad ng tuition o di kaya ay sa malalayo at liblib na lugar nanunuluyan.

Kabilang dito ang mga persons with disabilities o mga may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga persons deprived of liberty, mga migrant workers, at iba pang mga nangangailangang sektor ng lipunan.

Aminado si Gatchalian na malaking hamon ang ALS lalo na ngayong panahon ng pandemya at naghahanda na ang mga paaralan sa muling pagbubukas ng klase.

Dagdag ng senado na tinutugunan din ng ALS Act ang pangangailangan sa patuloy na edukasyon sa kabila ng banta ng COVID-19.

Sinabi pa ni Gatchalian na gagamitin ng ALS ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo na kailangan sa ilalim ng tinaguriang ‘new normal.’ Kabilang dito ang digital learning, modular instruction, at pag-aaral gamit ang radyo at telebisyon.

Ipinaliwanag sin ni Gatchalian na ang pagtuturo sa ilalim ng ALS ay madalas ginagawa sa mga komunidad gamit ang mga community learning centers, barangay multi-purpose halls, o iba pang lugar na mapagkasunduan ng mga mag-aaral at kanilang mga guro.

Ayon sa May 2018 Philippines Education Note ng World Bank, may humigit-kumulang dalawampu’t apat (24) na milyong Pilipinong labinlimang (15) taong gulang pataas ang hindi nakapagtapos sa high school.

Ayon din sa naturang ulat, may mahigit dalawang milyong (2.4) mga kabataang lima (5) hanggang labing-apat (14) na taong gulang ang hindi nag-aaral.

Aniya ni Gatchalian kung bawat lungsod o munisipyo sa bansa ay magkakaroon ng ALS Community Learning Center, mas madaling maaabot at mabibigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat Pilipinong napagkaitan ng pagkakataong matapos ang kanilang pag-aaral.