Itinutulak ngayon sa House of Representatives ang bagong panukala na kikilala sa bagong Filipino gesture bilang alternatibo sa tradisyunal na pagma-mano at handshake.
Ito ay para umano maiwasan ang pagpasa ng kahit anong uri ng sakit.
Ipinasa ng mababang kapulungan sa pamamagitan ng voice voting ang House Bill 8149 o ang panukalang “Batang Pilipino Para sa Kalusugan Act,” na nagsusulong sa bago at mas ligtas umano na paraan ng pagbati.
Ang naturang pagbati ay gagawin sa pamamagitan ng paglalagay ng kanang kamay sa gitna ng dibdib saka bahagyang iyuyuko ang ulo habang nakapikit ang mga mata.
Ayon kay Marikina City Rep. Bayani Fernando, ang may akda ng naturang panukala, napatunayan na raw ng mga eksperto na ang tradisyunal na pakikipag-kamay ay posibleng makahawa ng sakit sa isang indibidwal.
Ang naisip umano nito na alternatibong pagbati ay isang universal gesture na ang ibig sabihin ay good faith mula sa puso habang ang pagyuko naman ay bilang respeto.
Iminamandato rin nito na lahat ng ahensya ng gobyerno na paghandaan ang gagawing information dissemination tungkol dito.