-- Advertisements --

Pumalo sa US$34.884 billion ang full-year 2021 personal remittances ng mga Overseas Filipinos (OFs).

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ito ay mas mataas kompara sa US$33.467 billion noong 2019 at sa US$33.194 billion naman na naitala noong 2020.

Noong Disyembre 2021 lang ay lumago ang year-on-year personal remittances ng 2.9 percent o katumbas ng US$3.298 billion, pinakamataas na monthly level mula nang sinimulan ang tracking sa personal remittances data series noong 2005.

Sinabi ng Central Bank na ang sustained growth sa personal remittances noong 2021 ay dahil sa mga pinadalang pera ng mga land-based workers na may work contracts na isang taon o mas mahigit pa, na lumaki ang annual levels ng 5.6 percent o katumbas ng US$27.005 billion mula sa dating US$25.54 billion.

Bukod dito, malaki rin ang ambag ng sea-at- land-based workers na mayroong kontratang hindi naman lalagpas sa isang taon, na lumago ng 2.9 percent o katumbas ng US$7.138 billion mula sa US$6.934 billion naman noong 2020.

Ang naitalang growth sa personal remittances ay nagpapakita lamang nang pickup sa Overseas Filipino Worker deployment (OFW), mataas na demand para sa mga OFWs sa harap nang pagbubukas ulit ng ekonomiya ng napakaraming host economies para sa mga foreign workers, at dahil din sa nagiging mas digital na ang inward transfers ng remittances.

Kaya naman iginiit ng BSP na kahit mayroong pandemya, nananatiling robust ang cash remittances ng mga Overseas Filipinos.