Umapela na ng tulong si Mayor Marcy Teodoro para sa mga residente ng Marikina na hanggang ngayon ay lubog pa rin sa makapal na putik ang kanilang mga bahay at kabuhayan dahil sa mataas na pagbaha dala ng bagyong Ulysses.
Ayon kay Teodoro, maraming evacuees ang nananatili pa rin sa evacuation centers. Higit na nangangailangan ang mga ito pagkain, malinis na tubig, gamot, vitamins, diaper at gamit ng mga bata.
Para sa mga nagnanais na magbigay ng donasyon, ani Teodoro mas makakabuti kung didiretsyo ang mga ito sa 49 na evacuation centers sa Marikina.
Hinihikayat din ng alkalde ang mga donors na sila na rin ang mamahagi ng kanilang mga donasyon dahil mayroon namang sistema sa pamamahagi sa mga evacuation centers at mahigpit din na ipinatutupad ang mga health protocols.
Aminado naman ito na pangalawa lamang sa kanilang prayoridad ang health protocols laban sa COVID-19. Mas kailangan aniya na mag-focus ang mga ito kung paano makaka-survive ang kaniyang nasasakupan.
Bukod sa pagkain, nanawagan na rin ng tulong si Teodoro sa mga pribadong sektor at organisasyon upang magpadala ng mga equipments, tulad ng payloaders at skid loaders, upang tumulong na tanggalin ang makapal na putik at kalat sa gitna ng kalsada.
Isa ang lungsod ng Marikina sa mga lugar na lubhang naapektuhan nang hagupitin ng bagyong Ulysses ang Luzon.
Tinatayang aabot ng 30,000 hanggang 40,000 pamilya ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa nasabing lungsod.