CENTRAL MINDANAO-Matagumpay na naayos ang alitan ng dalawang armadong pamilya sa probinsya ng Cotabato.
Itoy sa pagitan ng pamilyang Butuan at Magusali na kapwa mga myembro ng dalawang Moro Fronts sa Pikit Cotabato.
Naganap ang pag-aayos ng dalawang grupo sa mismong tahanan ni Pikit Mayor Sumulong Sultan na dinaluhan nina dating Brgy. Balungis Chairman Zainudin Butuan sa hanay ng Butuan family at sina Maidy Sandigan, Kalim Makapendeg at Uztadz Deleion Batingan na kumatawan sa panig ng Magusali family.
Nagsimula ang awayan ng magkaaway na familya sa pagkamatay ng dalawa sa mga kaanak ng pamilya Magusali na humantong sa pagsusumite ng criminal case sa korte laban kay former Brgy. Captain Butuan at mga kasamahan nito.
Sa pamamagitan ng Rido settlement ay maayos na napagharap ang dalawang panig.
Bilang Taaziyah ng pamilyang Butuan at mga kasamahan nito, naglaan sila ng karampatang halaga para sa Magusali Family, tanda ng kanilang taus-pusong pakikipag-ayos at sinsiridad sa pag-aasam ng maayos at maibalik ang magandang relasyon ng kani-kanilang mga pamilya.
Pinasasalamatan naman ni Mayor Sultan ang dalawang pamilya dahil tinapos na din nito ang sigalot na nagdudulot din ng takot sa kanilang mga komunidad.
Samantala, tiniyak ng alkalde na magpapatuloy ang lokal na pamahalaan sa pamamahala ng rido settlements sa mga nag-aalitang pamilya sa bayan upang makapamuhay na ito ng matiwasay at mapayapa.