Hindi napigilan ni Alex Gonzaga na maging emosyonal dahil sa maraming plano ang naunsyami o hindi natuloy ngayong buwan matapos tamaan ng Coronavirus Disease (COVID).

Sa kanyang YouTube vlog, idinetalye ng 32-year-old TV host/actress ang two-week quarantine nito kasama ang kanyang mga magulang na kapwa COVID positive rin.

Maging ang non showbiz boyfriend nitong si Mikee Morada at assistant na nagngangalang Sophie ay tinamaan din ng deadly virus.

Ayon kay Alex o Catherine Gonzaga sa tunay na buhay, nasanay na siyang ibahagi sa publiko ang mga malungkot at masayang bahagi ng kanyang buhay.

“Gusto ko ikasal ngayon kasama ‘yung family, konting friends… (pero) Dahil sa walang kakwenta-kwentang bagay, nagkaroon kami ng COVID. Kailangan ko baguhin lahat ng plan ko… Gusto mo ikasal, pero hindi ka naman puwede. Gusto mo ikasal, pero ito yung nangyari so parang hindi mo alam kung itutuloy mo pa o hindi,” saad ng nakababatang kapatid ng celebrity ding si Toni Gonzaga.

Bakas din ang pagkadismaya ni Alex na posibleng nakuha nila ang COVID dahil sa isang tao na kasama nila sa bahay na aniya’y nagpabaya.

Ito’y dahil umalis daw sa kanilang bahay matapos mag-crave o matakam sa isang pagkain at pinaniniwalaang nagdala na ito ng virus pagkauwi.

Gayunman, nagpapasalamat sa Diyos ang nakababatang Gonzaga dahil nakarekober ang kanilang pamilya sa kinakatakutang coronavirus.