BACOLOD CITY – Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert status ng Mount Kanlaon sa Negros Island sa Alert Level 1.
Ayon sa PHIVOLCS, nasa “abnormal condition” at period of unrest ang bulkang Kanlaon.
Kasunod nito, inabisuhan ang mga local government units at ang publiko na mahigpit na binabawalan ang pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone dahil ang posibilidad ng biglaan at peligrosong steam-driven o phreatic eruptions.
Inabisuhan din ng state seismology office ang civil aviation authorities na iwasan ang paglipad malapit sa crater ng bulkan dahil delikado sa mga eroplano ang biglaang phreatic eruption.
Mula Marso 9, nakarekord ang Kanlaon Volcano seismic monitoring network ng 80 volcanic earthquakes kabilang na ang 77 low frequency events na associated sa magmatic fluids sa ilalim ng bulkan.
Ayon pa sa PHIVOLCS, posible ang steam-driven o phreatic eruptions dahil sa dumadaming seismic activity kahit walang nakitang degassing o steaming mula sa active vent ng Mount Kanlaon ngayong taon.