Irerekomenda ng Department of Health (DOH) na panatilihin ang alert level system sa administrasyong Marcos habang nagpapatuloy ang laban ng bansa laban sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ang nagbibigay sa atin ng safeguard at nagbibigay ng guide para alam natin kung ano ang magiging aksyon base sa risk level ng areas sa ating bansa.
Idinagdag ni Vergeire na nakararanas ng hamon ang gobyerno sa pagsasailalim sa lahat ng lugar sa Alert Level 1 bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo dahil sa mababang pagbabakuna sa ilang rehiyon.
Sinabi ni Vergeire na irerekomenda ni Health Secretary Francisco Duque III na ipagpatuloy ng papasok na pamahalaan ang mga pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon sa pagtugon sa kalagayan ng kalusugan ng bansa, kabilang ang pagpapabuti ng kampanya para sa COVID-19 vaccination drive.
Aniya, irerekomenda din ni Duque sa papasok na health secretary na palakasin ang kapasidad ng health system, kabilang ang mga ospital at rural health units para labanan ang COVID-19.
Dagdag pa ni Vergeire na binuo ng DOH ang kanilang transition committee, gayundin ang ilang mga pagpupulong sa papasok na administrasyon upang i-endorso ang mga prayoridad sa kalusugan sa bansa.