-- Advertisements --

Opisyal nang tinanggal ang pangalan nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara at kontratistang si Sally Santos bilang mga akusado sa tatlong kaso ng malversation at graft kaugnay ng anomaliya sa flood control projects sa Bulacan.

Ipinaliwanag ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martiniez na tinanggal ang mga ito bilang respondents matapos silang tanggapin ng Department of Justice (DOJ) bilang state witnesses sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).

Bilang bahagi ng kanilang pagiging state witness, binigyan sila ng immunity mula sa mga partikular na kasong saklaw ng kanilang kasunduan sa gobyerno. Nagbayad din ng restitution o nagbalik ng pera si Alcantara sa kaban ng bayan bilang bahagi ng kasunduan.

Bagaman tinanggal na sa mga kasong malversation at graft sa Regional Trial Court si Alcantara ay nananatili pa rin siyang respondent o testigo sa iba pang plunder cases na may kaugnayan sa mga matataas na opisyal.

Nag-ugat ang naturang mga kaso sa maanomalyang flood control projects na kinasangkutan ng SYMS Construction Trading, na pagmamay-ari ni Sally Santos, at ni Henry Alcantara bilang dating district engineer ng DPWH-Bulacan.