Dumepensa si Philippine National Police (PNP) chief police Gen. Oscar Albayalde laban sa paratang na may ginagawang massive surveillance ang ahensya sa mga estudyante at mga guro ng University of the Philippines (UP).
Ito’y kasunod ng walk out protest na ginawa ng mga estudyante at guro ng unibersidad ngayong araw sa lahat ng campuses sa bansa.
Ayon kay Albayalde posibleng namis-interpret ng mga militanteng grupo ang isyu dahil hindi naman sila basta basta pumasok sa UP campuses hangga’t walang koordinasyon sa school officials.
Tinawag na “over acting” ng PNP chief ang reaksiyon ng mga militante hinggil sa presensiya ng mga pulis sa unibersidad.
Para kay Albayalde, malabo ang iniisip ng mga estudyante at militanteng grupo na magkakaroon ng militarisasyon sa sandaling payagang makapasok sa campus ang mga pulis.
Ayon sa opisyal, hindi naman isang batalyon ng mga pulis ang bibisita sa mga school campus kundi nasa dalawang pulis lamang.
Layon lang daw kasi ng PNP na mapigilan ang pagrerecruit sa mga inosenteng estudyante.
Una ng inihihirit ng PNP at Armed Forces of the Philippines na amyendahan ang memorandum ng UP at Department of National Defense na pinagbabawalan ang mga otoridad sa loob ng campus.
“Para ma-enlighten itong pag-o-overreact ng mga militante. Sino po ba ang nag ooverreact? It’s only them. At ito ay minority. Very few. Majority ng mga estudyante sa campuses, ano po bang reaksyon nila? Wala naman po,” ani Albayalde.