-- Advertisements --

Nanindigan si Philippine National Police (PNP) chief police Gen. Oscar Albayalde sa hindi pagbibitiw sa pwesto kahit pa idinadawit ito sa issue ng umano’y “ninja cops” na nagre-recycle ng illegal drugs.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, ipapaubaya pa rin daw ni Albayalde kay Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon kung paaagahin nito ang pagbaba niya sa pwesto.

Sa Nobyembre na kasi magre-retiro si Albayalde bilang pulis.

Handa naman daw ang PNP chief na bumaba kung ngayon pa lang ay may papangalanan na ang pangulo na papalit sa kanyang pwesto.

Nilinaw ni Banac na hindi totoo ang kumakalat umanong text message ng pagbibitiw sa pwesto ni Albayalde.

Aminado ang tagapagsalita ng pambansang pulisya na apektado ng kontrobersya ang kanilang hanay lalo na’t magkakaiba ang opinyon ng lahat sa issue.

Pero tiniyak ng PNP spokesperson na matatag ang buong pulisya at hindi matitibag ang mga kampanyang isinusulong ng institusyon.