Sinampahan ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman si incumbent Albay Gov. Edcel Greco Alexandre Lagman dahil sa umano’y pangtangap nito ng P8 million mula sa “jueteng” operators sa kanilang probinsya sa loob ng 34 na buwan noong siya ay bise gobernador pa.
Ang kaso ay inihain ni Alwin Nimo na isang self-confessed jueteng bagman at dating barangay chairman mula sa Daraga, Albay.
Sa naging salaysay nito, nauugnay umano si Lagman sa sa mga gambling lords.
Sinabi niya na nagsampa siya ng reklamo matapos na tinanggihan ni Lagman ang pagtanggap ng anumang cash delivery na naglalagay naman sa kanya sa panganib na ma-target ng jueteng operators.
Ayon naman kay Lagman, ito ay malinaw na mga paratang at gawa-gawa lamang ng mga kalaban niya sa pulitika .
Nagpahayag naman ng hinala ang gobernador na ang reklamo ay konektado sa imbestigasyon ng Senado sa mga elected official sa Albay.
Sa kanyang 35-pahinang complaint-affidavit, sinabi ni Nimo na naging malapit siya kay Lagman dahil sila ay fraternity brothers , bukod pa sa may pinakamalaking bilang ng mga botante sa Daraga ang Barangay Anislag.
Sinabi niya na si Lagman, bilang bise gobernador noon, ang humiling na ipakilala siya sa umano’y operator ng jueteng na si Jojo Bernardo.
Sinabi niya na una siyang naghatid ng pera kay Lagman.
Pagkaraan ng tatlong buwan, sinabi niya na ang trabaho ng paghahatid ng pera ay napunta sa isang Jeff Mangalinao, at kalaunan ay kay Dexter Maceda, na aniya ay kanyang pinsan.