-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nanawagan si Albay 3rd District Representative Fernando Cabredo na maging daan ang Bombo Radyo para sa panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang magkakasunod na pagpatay sa mga kasalukuyan at dating opisyal ng barangay sa bayan ng Libon.

Ito matapos ang pamamaril-patay kay Kapitan Alex Repato ng Barangay San Jose na kakatapos pa lamang magsumite ng kaniyang certificate of candidacy.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo lamang ay namatay rin sa pamamaril si Kagawad Reliosa Mata at asawa nito.

Kabilang pa sa pinakabagong biktima ng pamamaril sa Libon sina Kapitan Oscar Maronilla at Kagawad Salvador Olivares.

Paliwanag ni Congressman Cabredo na halos isang dekada nang nangyayari ang kaparehong karahasan sa bayan ng Libon at nagdudulot na ito ng takot sa mga residente lalo na ngayong papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Kinakailangan na aniyang makialam ng pangulo dahil tila walang nangyayari sa imbestigasyon ng mga local police.

Ayon pa sa mambabatas na kung mismong si Pangulong Marcos na ang gagawa ng aksyon ay siguradong makikipagtulungan ang mga residente sa isasagawang imbestigasyon dahil matagal na aniyang namumuhay sa takot ang mga ito.