KALIBO, Aklan — Naghahanda ang lokal na pamahalaan at Malay-Boracay Tourism Office sa posibleng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa industriya ng turismo dulot ng tumitinding sigalot sa Middle East.
Ayon kay Malay Sangguniang Bayan member Vicky Aguirre, binabantayan ng lokal na pamahalaan kung magkakaroon ng pagsuspinde sa biyahe ng mga international flights sa Caticlan airport dahil sa nakatakdang pagtaas ng pamasahe sa eroplano at maging ang mga travel fees.
Maliban dito, inaasahan rin ang pagtaas ng operational cost ng mga accommodation establishments at iba pang negosyo.
Partikular na binabantayan sa ngayon kung may pagbabago sa tourist arrival mula sa foreign at domestic tourist.
Dagdag pa niya, upang mapaghandaan ang negatibong epekto ng oil shock sa sektor, lalo na sa pagtaas ng gastos sa paglalakbay, pagtutuunan nila ng pansin na mapalakas ang regional at domestic targets gayundin ang pagsasagawa ng mga meetings, convention at iba pang events sa isla.
Target ng MBTO ang 2.6 milyong tourist arrivals para sa 2026, ngunit dahil sa krisis, hindi sila gaanong kumpiyansa na maaabot ito.
















