-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Tinanggal na ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang temporary ban sa mga pumapasok na poultry at non-poultry products maliban sa balut mula sa Luzon at Mindanao.

Ito ay matapos na nalutas na ang problema sa Avian Influenza na nameste sa manok sa naturang mga rehiyon.

Nabatid na nagpalabas si Aklan governor Jose Enrique Miraflores ng Executive Order No. 002 na kahalintulad sa guidelines ng Department of Agriculture ukol sa pagbabawal sa pagpasok ng manok, non-poultry products at pati na by-products nito sa kasagsagan ng outbreak ng bird flu.

Pinapayagan na rin ang pagpasok ng pet birds sa buong bansa ngunit dapat na may kasamang Bureau of Animal Industry (BAI) Animal Disease Monitoring Compliance Certificate (ADMC) at negatibong AI laboratory test results.

Ang mga shipment na papasok sa Western Visayas na dadaan sa pantalan ng Aklan ay kinakailangang magpakita ng Notice of Coordination and Acceptance mula sa Provincial Veterinarian ng point of destination sa Region 6.

Noong buwan ng Marso ng ipinatupad ng Aklan ang temporary ban sa pagpasok ng mga manok at wild birds kasama ang mga itlog, semen, at dumi nito mula sa ibang rehiyon upang mapangalagaan ang publiko mula sa masamang epekto ng bird flu.