KALIBO CITY – Target na rin ng Aklan provincial government na mabakunahan kontra coronavirus disease (COVID-19) ang 70% ng populasyon sa isla ng Boracay para mabuhay ang sektor ng turismo na pinadapa ng pandemya.
Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, target nilang mabakunahan ang 40,000 indibidwal sa isla. Kabilang dito ang 13,000 tourism workers at 27,000 na mga residente.
Para maabot ang “herd immunity,” kinakailangan umano nilang maturukan ng COVID-19 vaccines ang 28,000 ng populasyon.
Gayunpaman aminado si Miraflores na dahil sa kakulangan sa suplay ng bakuna ay maaring hindi agad nila ito maisakatuparan.
Inaasahan pa raw kasi ng lokal na pamahalaan na sa ikatlo o ikaapat na quarter ng taon dumating ang bakuna na kanilang binili.
Sa ngayon ang prayoridad daw ng Depertment of Health sa pagbabakuna sa Boracay ay ang mga nakapaloob sa A1 hanggang A3 priority group. -CJY