Itinutulak sa Kongreso ang House Bill 5692 o Responsible and Empowered Adolescents Law (REAL) ng Akbayan Reform Bloc upang mapigilan ang pagdami ng mga batang nagbubuntis sa bansa.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña, kailangang baguhin ang kasalukuyang mga batas dahil hindi na ito epektibo sa paglutas ng lumalaking problema ng maagang pagbubuntis.
Aniya, Hindi natutugunan ng ating mga polisiya sa sexual at reproductive health ang pangangailangan ng maraming kabataan. Kaya dapat angkop din ang ating tugon
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat ituro nang wasto at malawakan ang sexuality education sa mga eskwelahan upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga kabataan.
Pangunahing layunin ng panukalang batas na bigyan ng kakayahan ang mga kabataan na gumawa ng responsableng desisyon tungkol sa kanilang reproductive health.
Nakasaad din dito ang pagpapatupad ng sexuality education sa mga komunidad na naaayon sa kultura, edad, at pag-unlad ng mga kabataan.










