Kinumpirma ng pro-Palestinian na Freedom Flotilla Coalition (FFC) na sinampahan at hinarang ng mga tropa ng Israel ang kanilang aid ship na Madleen na patungong Gaza Strip.
Kung saan kasama sa mga sakay nito ang 11 international activists kabilang ang kilalang Swedish climate activist na si Greta Thunberg at isang journalist. Matatandaan, nakilala si Greta Thunberg dahil sa kaniyang matapang na paghamon sa mga world leader para gumawa ng agarang aksiyon para matugunan ang mga epekto ng climate change sa mundo.
Sa ibinahaging larawan naman ng grupo, makikita ang mga lulan ng British-flagged yacht na nakaupo at nakasuot ng kanilang lifejackets at nakataas ang kanilang mga kamay.
Nauna ng sinabi ng FFC na under assault sa international waters ang Madleen. Napapaligiran din aniya ito ng quadcopters at sinasabuyan ng paint-like substance, naputol din aniya ang komunikasyon sa Madleen at may pinapatunog na disturbing sounds sa radyo.
Nauna ng umalis mula sa Sicily ang Madleen noong June 6 at target na marating ang Gaza kalaunan subalit hinarang ito ng Israeli military.
Wala pa namang inilalabas na komento ang panig ng Israeli military kaugnay sa insidente.
Subalit nauna ng naglabas ng video ang Isareli Foreign Ministry na nagpapakita ng pakikipag-ugnayan ng Israeli Navy sa Madleen at hinihimok itong magbago ng direksiyon.
Nauna na ring ipinag-utos ni Israeli Defense Minister Israel Katz sa kanilang mga tropa na pigilan ang Madleen na makarating sa Gaza. Pinanatili din ng Israel ang naval blockade sa coastal conclave para mapigilan ang mga armas na makaabot sa Hamas.