-- Advertisements --

Inilunsad ng Department of Trade and Industry ang pilot implementation ng kauna-unahang Artificial Intelligence (AI) chatbot ng DTI sa Pilipinas na pinangalanan na “Gab” o “Gabay sa Tamang Reklamo”.

Ito ay inilabas noong Biyernes sa Pacific Mall Legazpi sa pangunguna ng DTI Bicol kasabay ng pagdiriwang ng ‘World Consumers Rights Day’.

Isinagawa ang nasabing proyekto upang tumugon sa mga katanungan at maging sa mga reklamo ng konsyumer ng direkta sa nararapat na ahensiya ng gobyerno.

Ayon kay DTI Bicol Regional Director Dindo Nabol, nabuo ang ideya para sa naturang proyekto noong taong 2021 matapos nilang makatanggap ng samu’t saring mga hinaing mula sa mga konsumer.

Sinabi rin ni Nabol na tila hindi lahat ng mga reklamo ay kayang tugunan at solusyunan ng DTI Bicol kung kaya’t nagpasiya sila sa ganitong konsepto upang mabawasan ang bilang ng mga reklamo.

Samantala, magtatagal aniya ang pilot implementation ng tatlong buwan habang balak naman ng nasabing ahensiya na ipakilala ito sa iba pang rehiyon kung sakaling maraming tatangkilik at magiging matagumpay ang paggamit sa nasabing AI Chatbot.