Lumipad na patungong Thailand si Ahtisa Manalo ngayong Linggo, Nobyembre 2, upang katawanin ang Pilipinas sa Miss Universe 2025 pageant.
Sa kanyang send-off event sa Ninoy Aquino International Airport, sinalubong si Ahtisa ng maraming tagasuporta.
Suot niya ang puting two-piece Filipiniana suit, kanyang Miss Universe Philippines sash, at may hawak na maliit na bandila ng Pilipinas.
Sa social media post ng Miss Universe Philippines Organization, sinabi nilang puno ng pagmamahal at pagmamalaki ang paliparan habang umaalis si Ahtisa para dalhin ang puso ng bawat Pilipino sa international stage.
Matatandaang si Ahtisa ay kinoronahan ng Miss Universe Philippines 2025 noong Mayo.
Target ngayon ng beauty queen na masungkit ang ika-limang Miss Universe crown.
Samantala nakatakda naman ganapin ang Miss Universe 2025 sa Thailand sa Nobyembre 21.















