-- Advertisements --

Inaasahan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na aabot sa mahigit 1.35 milyong pasahero ang dadaan sa Ninoy Aquino International Airport sa panahon ng Holy Week travel surge mula Marso 28 hanggang Abril 5.

Batay sa projection ng paliparan, aabot sa 1,353,265 ang kabuuang bilang ng pasahero sa loob ng siyam na araw bahagyang mas mataas kumpara sa 1,326,730 na naitala noong Semana Santa ng 2025. Gayunman, sinabi ng NNIC na mas mababa ito sa naunang inaasahan dahil sa suspensyon ng ilang flights at limitasyon sa operasyon sa Middle East routes.

Kaugnay nito nagpatupad ang NNIC ng iba’t ibang hakbang, kabilang ang pagdagdag ng personnel sa check-in counters, immigration at security areas, mas mahigpit na koordinasyon sa airlines at ground handlers, pagpapahaba ng oras ng passenger assistance desks, at real-time monitoring ng siksikan sa terminals.

Pinakamaraming pasahero ang inaasahan sa Abril 5 na may tinatayang 158,884, kasunod ang Marso 28 na may 157,804. Inaasahan ding mananatiling lampas sa 143,000 ang daily passenger volume sa buong travel period.

Sa tatlong terminals, posibleng sa Terminal 3 ang may pinakamalaking bahagi ng trapiko na may 712,932 pasahero, kasunod ang Terminal 2 (346,342) at Terminal 1 (293,990).

Pinayuhan ng NNIC ang publiko na suriin ang flight advisories, maglaan ng dagdag na oras sa biyahe, at dumating nang maaga sa paliparan. Pinapaalalahanan din ang mga international passengers na kumpletuhin ang kanilang eTravel registration bago pumunta sa airport upang maiwasan ang delay.