Nakaahon mula sa mabagal na panimula ang Barangay Ginebra upang angkinin ang 105-96 paggupo sa NLEX Road Warriors sa PBA Philippine Cup na ginanap sa lungsod ng Angeles, Pampanga nitong Sabado ng gabi.

Nagbuhos ng 27 points si Japeth Aguilar upang mapanatili ng Gin Kings na buhay ang kanilang pangarap na masungkit ang Top 2 finish sa elminination round.

Bukod sa nairehistro nitong siyam na rebounds, naglista rin si Aguilar ng 10-of-18 shooting mula sa field.

Umasiste rin sina LA Tenorio na kumubra ng 17 points at apat na assists, at si Scottie Thompson na umiskor ng 14 points, walong rebounds, walong assists at apat na steals.

Pinamunuan naman ng Poy Erram ang hanay ng NLEX na tumabo ng 16 points, walong rebounds, tatlong blocks at dalawang steals.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 6-3 baraha ang Ginebra, samantalang natapos naman na ang two-game streak ng NLEX, na napako sa 4-6.

Narito ang mga iskor:

Ginebra 105 – Aguilar 27, Tenorio 17, Thompson 14, Ferrer 14, Slaughter 14, Chan 7, Dela Cruz 7, Mariano 4, Mercado 1, Caperal 0.

NLEX 96 – Erram 16, Quinahan 15, Tiongson 12, Galanza 12, Paniamogan 8, Ighalo 8, Tallo 8, Magat 6, Lao 5, Soyud 3, Taulava 3, Baguio 0.

Quarters: 19-30, 46-51, 74-72, 105-96.