-- Advertisements --

Nakukulangan si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa desisyon ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na itaas ang coverage sa halos lahat ng benefit packages nito sa susunod na taon.

Sinabi ni Lee na napapanahon ang inanunsyo ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. na tataasan na nito ang halos lahat ng benefit packages sa 2024.

Bagama’t ipinagpasalamat ni Lee ang pagsang-ayon ng PhilHealth sa kanyang posisyon, hindi aniya ito sasapat at kailangan ay across-the-board ang 20 hanggang 30 percent increase sa benefit packages.

Kapwa nagkasundo umano sina Lee at Ledesma na hindi na akma sa kasalukuyang sitwasyon ang case rates ng PhilHealth lalo’t hindi na kayang tustusan ang gastos sa pagpapaospital ng mga benepisiyaryo.

Ipinunto ng kongresista na kung tutuusin ay sobra-sobra ang pera ng PhilHealth para punuan ang 39 billion pesos na dagdag sakaling ipatupad ang 30 percent increase sa case rates.

Nasa P466 billion pesos umano ang investible funds ng state health insurance na dapat ay ibinabalik sa publiko.

Giit pa ni Lee, habang patuloy na isinusulong ang “no balance billing” policy sa mga pagamutan sa bansa ay mainam na ipatupad na muna agad ang pagtaas ng coverage.