-- Advertisements --

Umaapela si Bulacan Rep. Lorna Silverio sa gobyerno na agarang magkaloob ng “calamity assistance” para sa mga residenteng nasalanta ng Super Typhoon Karding.

Sa inihaing House Resolution 439 ng mambabatas, binanggit ni Silverio ang mga nakatira sa apat na munisipalidad ng ikatlong distrito ng Bulacan ang San Miguel, San Ildefenso, San Rafael at Doña Remedios Trinidad.

Ang mga bahay at ari-arian ng mga residente sa mga naturang lugar ay nalubog sa baha, at pati ang kabuhayan nila gaya ng mga palayan o taniman ay tinamaan.

Sinabi ni Silverio na marami sa mga Bulakeño at iba pang mga probinsya ay hindi pa tuluyang nakakaraos mula sa epekto ng COVID-19 pandemic at mga nakalipas na kalamidad, pero ngayon ay naharap sa bagong pagsubok dahil sa Bagyong Karding.

Ginagawa naman aniya ng mga lokal na pamahalaan ang makakaya para makatulong sa mga residente, tulad ng pagbibigay agarang pangangailangang mga pagkain at tubig, mga damit na malilinis, at “housing materials” o mga gamit para sa pagkukumpuni ng mga napinsalang bahay.

Pero karamihan sa mga LGU ay kapos sa pondo para magbigay ng calamity assistance.

Umaasa si Silverio na sana mabilis na kumilos ang national government ng sa gayon makatanggap na ng mga apektadong residente ang calamity assistance na inaasahang makakatulong sa kanilang pagbangon.