CEBU CITY – Walang nakikitang “forced entry” ang mga otoridad sa nangyaring panloloob sa Civil Registrar Office ng Lapu-Lapu City sa Cebu kahapon.
Nabatid na halos P130,000 ang natangay ng hindi pa nakikilalang suspek kung saan nadiskubri lamang ito nang binuksan na ng kawani ang nasabing opisina at tumambad ang nalimas ng pera sa kanilang drawer kaya agad nilang ipinagbigay-alam sa pulisya.
Sa inisyal na imbestigasyon, hindi nagulo ang mga kagamitan sa loob kaya malaki ang kanilang hinala na inside job ang nangyari.
Sa kabuuan, aabot sa P104,720 ang natangay mula sa koleksyon ng Assistant City Civil registrar.
Habang aabot sa P24,805 ang nakuha mula sa isa pang staff ng Office of the Civil registrar na laan sana bilang pondo ng opisina.
Sa ngayon, susuriin pa ng Lapu-lapu City Police office ang mga closed circuit television (CCTV) sa lugar dahil pinatay umano ito noong weekend.
Wala pang maiturong suspek ang kapulisan ngunit may nakita itong mga bakas ng paa ng tila maliit na bata malapit sa nabanggit na opisina.
Samantala, tiwala si Mayor Junard Ahong Chan sa pulisya na mahuhuli ang may kagagawan sa sunod-sunod na pangloob sa mga opisina ng lungsod.
Nais din ng alkalde na dagdagan pa ang mga gwardiya na mag-iikot sa City Hall compund gayundin ang mga CCTV.
Una nang ninakawan ang City Social Welfare and Development Office at City Health Office ng Lapu-lapu City sa nakalipas na dalawang linggo.