-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tagumpay ang pagbabalik sa South East Asian (SEA) Games ng judoka fighter na si Estie Gay Dulnuan Liwanen mula Kiangan, Ifugao, matapos mapanalunan nito ang kauna-unahang gold medal ng mga Cordilleran athletes na nakikibahagi sa nasabing biennial event sa bansa.

Nakuha ni Liwanen ang gintong medalya sa female 63 kilogram category ng kurash na isang variant ng wrestling styles sa Central Asia. Gumagamit ang mga kurash wrestlers ng towels para hawakan at kontrolin ang kanilang mga kalaban kung saan talo ang unang matutumba.

Tinalo ng dating jiu jitsu at judo athlete ang mga nakaharap nitong atleta ng Vietnam at Thailand sa kabila ng matagal niyang pagkawala sa SEA Games.

Ayon sa kanya, noong 2007 ang kanyang huling laban sa SEA Games kung saan bronze medalist siya sa judo gaya noong 2005.

Sinabi ng 37-year old 2019 SEA Games gold medalist na kababalik lamang niya sa sports noong nakaraang taon, matapos huminto muna sa pagtutok sa sports para mag-aral noong 2009.

Inamin nito na naging challenge sa naging laro niya sa kurash ang transition niya mula sa grappling kung saan sa judo ay gawain niyang hawakan ang trousers o pantalon ng kalaban.

Dahil iba aniya ang rules sa kurash kung saan bawal humawak sa pantalon, na-penalty siya at nagka-iskor ang Vietnam dahil hinawakan niya ang pantalon nito.

Dinagdag niya na bawat laro niya ay kanyang inisiip na dapat siya ang manalo na siyang nagbigay ng lakas sa kanya.

Pinasasalamatan din ni Liwanen ang sports dahil lahat ng nakukuha o nakakamit niya ay dahil sa sports kaya naman napamahal na sa kanya ang pagiging atleta at hindi niya alam ang magiging buhay niya kung wala na siya sa naturang larangan.