Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na nakatakda sa January 21 at February 6,2019.

Inanunsiyo ito matapos isinagawa ang final National Joint Security Coordinating Center meeting kanina dito sa Kampo Crame.

“Well handang handa na tayo we made this final coordinating conference although meron pa tayong gagawin na mga series of coordinating conferences before, during and after the conduct of the plebiscite nitong January,” wika ni Albayalde.

Sa nasabing pulong pumirma ng kasunduan ang PNP at AFP para palakasin ang kanilang kooperasyon at koordinasyon para masiguro na maging maayos at mapayapa ang gaganaping plebisito.

Napagkasunduan naman na tutulong ang PNP sa mga combat operations na gagawin laban sa mga kalaban ng gobyerno.

Mananatili pa rin ang PNP na maging lead agency sa ipapatupad na law enforcement operations.

Hindi binanggit ni PNP chief PDGen Oscar Albayalde kung anong mga lugar ang kanilang inirekumenda na isailalim sa Comelec control sa darating na plebisito at midterm elections.

Itoy matapos aminin na kanila ng isinumite sa comelec ang listahan.

Ang PNP ay magpapadala ng isang batalyon ng SAF troopers sa Cotabato City na magsilbing augmentation force.

Sa panig naman ng AFP, tiniyak ni AFP chief of staff General Benjamin Madrigal na non partisan ang mga sundalo.

Nasa 10,400 na mga sundalo ang idineploy ng militar sa buong BOL area bukod pa sa mga standby forces na nakahanda sakaling kakailanganin ng dagdag na pwersa.

Nakatakda namang mag-ikot sa mga BOL areas sina AFP chief Madrigal at PNP chief Albayalde para personal na isupervise ang mga sundalo at pulis sa ground partikular ang send-off ceremony ng mga tropa na magbibigay seguridad sa plebisito.

Tiniyak naman ni Madrigal na nakahanda naman sila sa anumang posibleng mangyari.