Magkakasa ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines Visayas Command hinggil sa ilegal na presensya ng isang research vessel ng China sa bahagi ng Eastern Samar.
Ito ang magiging hakbang ng naturang hukbo matapos mamataan ang presensya ng research vessel na tinukoy na “SHEN KUO” sa baybayin ng Sulat, sa naturang lalawigan.
Ayon kay AFP VISCOM Commander, Lieutenant General Fernando Reyeg, batay sa mga impormasyong kanilang nakalap ay napag-alamang kulang ang requirementa o mga dokumento ng naturang research vessel tulad ng pagkakaroon ng kumpletong diplomatic clearance upang mapahintulutan itong makalabas at makapasok sa karagatang nasasakupan ng Pilipinas.
Dahil dito ay kasalukuyan na aniyang nakikipag-ugnayan ngayon ang kanilang hanay sa iba pang maritime law enforcement agencies ng pamahalaan tulad ng Philippine Coast Guard para sa pagsasagawa ng kaukulang surveillance at imbestihasyon sa posibleng ilegal na gawain na isinasagawa ng naturang mga barko sa nasabing lugar.
Kung maaalala, iniulat ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commo. Roy Vincent Trinidad na batay sa kanilang isinagawang monitoring ay namataang may ibinabang unidentified equipment ang Shen Kou sa East ng Catanduanes na posibleng gamit sa maritime research na kalauna’y inalis din.
Matatandaan din na una nang tinukoy ng Armed Forces of the Philippines na posibleng ipinapakita lamang ng China sa pamamagitan ng pagdedeploy ng mga barko sa WPS na hindi sila apektado ng isinasagawang Baliktan Exercises 2024 ng Pilipinas at Amerika.