Pag-aaralan pa ng mabuti ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipapatupad nilang deployment sa mga lugar na binanggit sa inilabas na Memorandum No. 32 ng Malacanang.
Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, suportado ng militar ang hakbang ng gobyerno na magdeploy ng karagdagang tropa sa Samar, Negros, at sa Bicol region para masawata ang lawless violence at acts of terror.
Paliwanag ni Arevalo na kailangan pa ng masusing pag plano at kailangan itong paghanadaan.
Aniya, hindi madali ang gagawing deployment dahil may mga prosesong sinusunod ang militar.
Sa ngayon hinihintay pa ng mga ground commanders ang direktiba ni AFP chief of staff General Carlito Galvez.
Giit nito, kailangan pang mag-usap ng AFP at PNP ukol dito kaya nararapat lamang na magkaroon ng joint planning and conferencing sa pagitan ng DND at DILG.
Sa kabilang dako, una ng sinabi ni PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana na ipinag-utos na ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde sa mga concerned regional police directors na bumuo ng implementation guidelines kaugnay sa Memo 32.
Tiniyak naman ni Durana na sapat ang kanilang pwersa para sa mga ganitong sitwasyon.