KORONADAL CITY- Itinaas ngayon ang heightened alert status sa buong South Central Mindanao matapos na masawi ang isang terorista at nahuli ang kanyang kasamahan sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Ito ang inihayag ni Col. Oriel Pangcog, commnander ng 601st Brigade, Philippine Army sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Nakilala ang napatay na si Khamhed Akam Kambal alyas Mheds na bomber at bomb expert ng Daulah Islamiyah Hassan Group.
Nahuli naman ang kasama ni Kambal na si Nasrudin Sali Blah, 22, at residente ng Barangay Tuayan, Ampatuan, Maguindanao.
Ayon kay Pangcog, nagresponde ang Joint Task Force Central makaraang makatanggap ng sumbong mula sa mga sibilyan hinggil sa presensiya ng mga armadong grupo na pinamumunuan umano ng isang alyas Alpha King sa Brgy Dicalungan, Ampatuan, Maguindanao.
Papasok pa lang ang tropa ng militar sa kuta ng mga terorista ay agad umano silang pinaputukan ng grupo ni Kumander Alpha King.
Agad naman na gumanti ng putok ang mga sundalo na tumagal ng mahigit kalahating oras na engkwentro.
Matapos nito ay tumakas ang grupo ni Alpha King at iniwan ang bangkay ni Kambal habang nahuli ang kanyang kasama.
Narekober naman sa kuta ng mga terorista ang dalawang improvised explosive devices (IED) mga sangkap sa pagagawa ng bomba, isang kalibre .45 na pistola, mga propaganda materials at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
Dahil sa pangyayari, napigilan ang tangka sanang panghahasik ng karahasan ng mga ekstremistang grupo.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng Joint Task Force Central ang grupo ni Kumander Alpha King.