DAGUPAN CITY – Muling hiniling ng Armed Forces of the Philippines-Northern Luzon Command (AFP-NOLCOM) ang pakikiisa ng publiko upang mapanatili ang kapayapaan sa kanilang nasasakupan.
Ito ay matapos na kumalat sa social media ang isang alert memorandum kung saan nakasaad na may banta ng pag-atake sa mga lungsod ng Laoag, Vigan at Tuguegarao habang sa lalawigan ng Pangasinan ay sa bayan ng Manaoag.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan inihayag ni Major Erickson Bulusan, tagapagsalita ng AFP-NOLCOM, bagamat ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya, malaki aniya ang maitutulong kung ang lahat ay magkakaroon ng koordinasyon ang publiko sa kanila para mapanatili ang kaayusan sa bansa.
Samantala, nanawagan din si Bulusan sa mga netizens na sakaling makita ang memo na kumalat ay huwag na itong i-share pa sa mga social media platforms dahil maaari aniyang magdulot lamang ito ng takot sa publiko.
Sa halip na ang alert memo, iginiit ni Bulusan na ang panayam na lamang sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan ang ipakalat bilang paglilinaw.