Tinatanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang desisyon ng Department of Justice (DoJ) na nagbabasura sa rebellion case na isinampa ng militar laban sa 59 na suspected Maute sympathizers na nahuli kamakailan sa Zamboanga.
Sinabi ni AFP spokesman B/Gen. Restituto Padilla na iginagalang ng militar ang desisyon at handa silang tumalima.
Ayon kay Padilla, ito ay pagpapakita na ang militar ay nagko-comply sa mga probisyon ng Konstitusyon sa pagpapairal ng Martial Law sa Mindanao.
Dagdag ni Padilla, kinikilala ng militar na ang mga civil courts pa rin ang may hurisdiksyon sa mga kasong isinasampa laban sa mga naaresto sa ilalim ng Batas Militar.
Sa naging desisyon ng DOJ na ibasura ang kaso laban sa 59, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na hindi kapani-paniwala ang testimoniya ng testigo ng militar.
Sa 59 na suspek, 32 ang nadakip sa isang checkpoint sa Zamboanga Sibugay, habang 27 naman ang naaresto sa Guiwan, Zamboanga City, noong Hulyo 25.
Ang mga ito ay bahagi ng dalawang malaking grupo na pinaghinalaan ng militar na sumusuporta sa rebelyon sa Marawi.