Personal na binisita ni Armed Forces of the Philippines Gen. Andres Centino ang Northern Luzon Command sa lalawigan ng Batanes upang alamin ang kalagayan at sitwasyon ng mga sundalo at pasilidad sa nasabing lalawigan.
Sa kaniyang pagbisita ay unang tinungo ni Gen. Centino ang naval detachment sa Mavulis Island na pinakahilagang isla ng Pilipinas upang suriin ang kanilang mga kagamitan na ginagamit sa pagbabantay sa sa teritoryo ng bansa laban sa anumang uri ng ilegal na panghihimasok ng mga kalaban.
Ayon kay AFP chief of staff Centino, napakahalaga para sa kaniya na makita mismo ang kondisyon, at mga hamong kinakaharap ng lahat ng kasundaluhan maging ang mga sundalong nasa malalayong lugar at isla upang matiyak na naigiit natin ang soberanya ng Pilipinas maging sa bahaging ito ng ating bansa.
Aniya, handa ang AFP sakaling magkaroon man ng anumang uri ng mga pag-atake mula sa labas ng ating bansa at sa katunayan nga aniya nito ay mayroon nang nakalatag na contingency plans ang Northen Luzon Command sa ilalim ng pamumuno ni Air Force Maj. Gen. Fernyl G. Buca para sa agarang pagtugon.
Samantala, bukod dito ay tinungo rin ni Gen. Centino ang naval detachment sa Itbayat, at ang headquarters ng 10th Marine Company sa Basco.