Pinama-mandatoryo na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Felimon Santos Jr. ang pagsusuot ng face masks sa loob ng Camp Aguinaldo sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ayon kay AFP spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, hindi lang mga sundalo kundi pati civilian personnel ay sakop din ng kautusan.

“This is to prevent and control the spread of the deadly disease inside the AFP General Headquarters,” paliwanag ni Arevalo.

“The measure being implemented seeks to avert an individual, especially both symptomatic and asymptomatic, from spreading saliva droplets into the air or on any surface,” dagdag pa nito.

Kung maaalala, nag-positibo sa COVID-19 ang mismong hepe ng Sandatahang Lakas na si Gen. Santos.

Simula bukas, April 2, ay hindi na raw papapasukin sa kampo ang sino mang personnel na dadaan sa vehicle at pedestrian entrance ng Gate 1 na walang suot na face mask.

Bukod sa Camp Aguinaldo, ipapatupad din daw ang kautusan sa lahat ng military camp at pasilidad sa buong bansa.