Suportado ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Andres Centino ang pagbibigay ng amnestiya sa mga dating miyembro ng mga rebeldeng grupo na nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paghina ng mga komunistang teroristang grupo na kakaunti na lamang aniya ang natitira.
Sa isang pahayag ay binigyang diin ni Gen. Centino ang kahalagahan ng multi-faceted approach sa pagtugon sa isyu ng insurhensya sa bansa.
Kabilang na rito ang mga non-combat ways, tulad ng reintegration program ng gobyerno na tinatawag na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), at gayundin ang iba pang aktibidad na nagpapahintulot sa AFP na tugusin ang mga kalaban nang hindi gumagamit ng dahas.
Samantala, sa patuloy na paghina ng naturang mga komunistang teroristang grupo ay kumpiyansa naman si Centino na hindi na magtatagal pa bago tuluyang bumaba at mabawasan ang kanilang puwersa.
Kaugnay nito ay patuloy namang hinikayat ng heneral ang iba pang mga natitirang mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan, kasabay ng paghimok sa publiko na tanggapin ang mga ito na tinawag din niyang “friends rescued” sa kanilang komunidad.
Dapat din aniyang bigyan ang mga ito ng pantay-pantay na pagtrato at suporta para sa kanilang mas mabilis na adjustment sa pagbabagong buhay.