Naka-standy ngayon ang lahat ng available transport assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular ang kanilang mga aircraft para sa posibleng transport mission bilang suporta sa three-day national mass vaccination laban sa COVID-19 na nagsimula kahapon Lunes, November 29.
Ayon kay AFP chief of staff Lt. Gen. Andres Centino, kaniyang inalerto ang lahat ng kanilang air assets at maging ang kanilang mga kagamitan para mai-transport ang mga bakuna na gagamitin sa tatlong araw na vaccination drive ng pamahalaan.
Sinabi ni Centino na bukod sa kanilang mga transport assets, nag-deploy din ang AFP ng mga military personnel na siyang magsisiling liaison officers para tumulong sa vaccination campaign ng gobyerno sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kanilang mino-mobilized ang kanilang mga personnel mula sa Philippine Army, Navy at Air Force na siyang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa implementasyon ng pagbakuna sa ating mga kababayan.
Iniulat din ni Centino na bumuo ang AFP na ng tinatawag nilang vaccine action teams na maaring i-deploy sa mga lugar na kinakailangan ng vaccinators.