Inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang affidavit na isusumite nito sa nakatakdang cabinet cluster meeting ngayong araw kaugnay ng insidente kamakailan sa Recto Bank na kinasangkutan ng mga Pilipino at Chinese nationals na mangingisda.
Nitong umaga nang humarap kay Agriculture Sec. Manny Piñol ang may-ari ng F/B GemVir 1 na sinasabing binangga ng dayuhang fishing vessel kamakailan.
Ayon sa kalihim, kinakalap na ng tanggapan ang salaysay nina Fe dela Torre at Richard Blaza para maipaabot sa gabinete ang hiling na hustisya.
Para kay Piñol, maituturing na isolated incident ang nangyari pero kailangan pa rin daw itong dumaan sa imbestigasyon.
“Was there really a running incident? Yes. Was it intentional? That is something that will to establish by an investigation.”
“Ano yung hinanakit nung mga may-ari ng barko at fishermen? Iniwanan sila, hindi sila tinulungan. Nagpabaya ba ang gobyerno? No. The Philippine Navy was there.”
“I have requested Mrs. dela Torre at Ablaza not to issue a statement kasi pinapagawa ko yung affidavit nila that I will submit today during the cabinet cluster meeting.”
Sa ngayon nangako ang DA na aabutan ng fiberglass boats ang bawat miyembro ng lumubog na bangka.
Nauna na ring pinamahagian ng kagawaran ng tig-iisang sako ng bigas ang mga mangingisdang biktima.
Sa kabila nito, dumistansya si Piñol na magbigay ng komento sa pahayag ni Energy Sec. Alfonso Cusi na tila hindi kumbinsido sa akusasyon ng mga Pilipinong mangingisda.