-- Advertisements --

Ipinag-uutos ng bagong batas sa Commission on Higher Education (CHED) katuwang ang Department of Energy (DOE) ang pagbuo ng isang curriculum kaugnay sa advanced energy at green building technologies para maisama ito sa undergraduate at graduate levels ng mga estudyante.

Ang advanced energy ay tumutukoy sa paghahatid ng koryente na ligtas, malinis at mura para sa lahat habang ang green building technologies naman ay kaugnay sa mga proseso at teknolohiya ng pagtatayo ng mga gusali na environment-friendly.

Batay sa kopya ng Republic Act No. 11393 na pirmado ni Pangulong Duterte nitong Agosto 22, sinabing magiging pokus ng nasabing curriculum ang kaugnay sa design resilience, natural resource conservation, sustainable design at building practices.

Layunin nitong maihanda ang mga estudyante na maihalo sa kanilang propesyon bilang mga future engineers, architects at urban planners ang mga advanced energy at green building technologies sa pagtatayo ng mga gusali at iba pang imprastraktura.

Ipinag-uutos rin sa Department of Energy ang pag-ambag ng pondo sa curriculum development ng CHED lalo na sa pagsasagawa nito ng mga research, demonstrations at iba pa.

Manggagaling naman ang pondo para curriculum development sa pondo ng CHED at DOE mula sa General Appropriations Act.

Nakatakdang maging epektibo ang batas 15 araw matapos ang official publication sa mga pangunahing pahayagan.