-- Advertisements --

Hinimok ngayon ng bansang Iran ang Estados Unidos na tigilan na ang umano’y addiction sa sanctions o mga ipapataw na parusa laban sa Islamic republic.

Inakusahan din ng naturang bansa ang kasalukuyang pangulo ng United States na si Joe Biden na sinusundan din lamang nito ang “dead end” policies ni dating US President Donald Trump.

Ito ang naging pahayag ni Foreign ministry spokesman Saeed Khatibzadeh isang araw bago inanunsiyo ng US Treasury ang financial sanctions laban sa apat na Iranians na inakusahang nagplano sa pagdukot ng isang American journalist na mayroong lahing Iranian.

“Washington must understand that it has no other choice but to abandon its addiction to sanctions and show respect, both in its statements and in its behavior, towards Iran,” ani Khatibzadeh sa isang press release.

Una rito, noong Biyernes, inanunsiyo ng US Treasury ang pagpapataw parusa sa apat na Iranian intelligence operatives na sangkot sa kampanya laban sa Iranian dissidents abroad.

Ayon sa US federal, ang pagbababa ng hatol noong kalagitnaan ng buwan ng Hulyo ay nag-ugat sa tangka umano ng intelligence officers noong 2018 na papuntahin ang Iran-based relatives ni Masih Alinejad sa third country para dito arestuhin at ibalik sa Iran para ikulong.

Nang nabigo ang naturang plano, nag-hire umano sila ng US private investigators para i-monitor siya sa loob ng dalawang taon.

Tinawag ni Khatibzadeh noong Hulyo ang American charges na “baseless and absurd,” na sinasabi pang “Hollywood scenarios.”

Kung maalala nong panahon ni dating US President Trump, ay umatras ang Washington sa 2015 nuclear agreement sa pagitan ng Tehran at anim pang major powers.