Nagbabala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Representative France Castro sa posibleng pagdami ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Sinabi ito ni Castro makaraang ibasura ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga mungkahi na muling lumahok ang Pilipinas sa International Criminal Court o ICC.
Ayon kay Castro, layunin ng nabanggit na pasya ni Marcos na protektahan si dating pangulong rodrigo duterte mula sa ipinatupad nitong madugong war on drugs.
Binigyang-diin ni Castro, proteksyon din ito sa sarili mismo ni President Marcos sa oras na makagawa ito ng paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan gayundin ng kanyang mga kritiko at oposisyon.
Dahil dito ay nanawagan si Castro sa mamamayang pilipino na maging mapagbantay at masigasig sa pagtatanggol sa karapatang pantao ninuman.
Giit ni Castro, dapat tayong magkaisa at huwag matakot sa anumang uri ng paniniil ng mga nasa kapangyarihan.