BAGUIO CITY – Itinalaga ni House Speaker Allan Peter Cayetano si Anti-Crime and Terrorism through Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list Representative Eric Go Yap bilang “caretaker” ng lalawigan ng Benguet.
Kinumpirma ito ni Benguet Governor Melcor Diclas sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio.
Aniya, itinalaga si Rep. Yap na mangalaga at maging kinatawan ng Benguet sa kongreso kasunod ng biglaang pagpanaw ni dating Benguet Representative Nestor “The Action Man” Fongwan Sr. noong nakaraang taon.
Nakatakda aniyang magtungo ng Benguet si Yap sa susunod na linggo.
Una rito, inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Benguet ang isang resolusyon na humihiling ng pagsasagawa ng special elections para sa bago at permanenteng kongresista ng Benguet.
Nakasaad sa resolusyon na mas mabuti ang special elections kesa sa magbigay ang national government ng caretaker ng lalawigan para may tututok sa mga pangangailangan ng Benguet.
Sinuportahan din ni Benguet Vice Governor Johnny Waguis ang resolusyon ng provincial board at sinabi niyang posibleng hindi rin mabibigyan ng prayoridad ang lalawigan kung caretaker lamang ang mamamahala dito.
Umaasa din ang provincial officials at mga residente ng Benguet na maaaprubahan sa Kongreso ang nasabing resolusyon.
Sinabi naman ni Commission on Elections (Comelec)-Cordillera Regional Director Atty. Julius Torres na kailangang ideklara ng Kongreso na bakante ang posisyong iniwan ng pumanaw na kongresista at may komunikasyon ang Kongreso sa Comelec kung may isasagawa mang special election.
Maaalalang pumanaw si Benguet Representative Nestor Fongwan Sr. noong December 18, 2019 dahil sa komplikasyon ng sakit nito sa kidney matapos magsilbi sa publiko ng mahigit tatlong dekada.