Wala nang balak ang Office of the Ombudsman na umapela kasunod nang acquittal ng 16 graft charges ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Sa isang statement, sinabi ng Office of the Ombudsman na ang desisyon nilang ito ay salig na rin sa polisiya ni Ombudsman Samuel Martires na huwag nang hamunin o iapela pa ang pagkakabasura ng Sandiganbayan sa mga kaso na may kaugnayan sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ito ay maliban na lamang kung hindi nasunod ang due process o nagkaroon ng mistrial.
Sa resolusyon na inilabas noong Hulyo 1, pinagbigyan ng Special First Division ng Sandiganbayan ang demurrer to evidence na inihain ni Revilla dahil sa hindi sapat ang ebidensya laban sa kanya, pero ibinasura naman ang kaparehong mosyon ng negosyante na si Janet Lim Napoles.
Sa korte, ang demurrer to evidence ay isang motion to dismiss dahil sa kulang na ebidensya laban sa akusado.
Kung maaalala, si Revilla ay inaakusahan na inililihis ang kanyang pork barrel o PDAF, at nagbigay ng pabor sa mga bogus na non-government organizations na iniugnay kay Napoles para lamang makakuha ng kickbacks.
















