-- Advertisements --

Pumalag si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta laban sa akusasyong sangkot ito sa korupsyon kasama ang ilang opisyal ng ahensya.

Ayon kay Acosta, malinaw na panibagong kampanya na naman ito para sirain ang kanyang pangalan dahil sa mga kontrobersyal na kasong hawak nito gaya ng Dengvaxia.

Batay sa statement ng ilang hindi nagpakilalang abogado ng PAO, nagsabwatan umano si Acosta, forensic chief Dr. Erwin Efre at ilang kawani ng financial and management service na doktorin ang purchase orders ng ahensya para maging pabor ang pondo sa PAO chief.

Inihain ang naturang statement kasabay ng patung-patong na kasong isinampa ng isang Atty. Wilfredo Garrido Jr. noong Mayo.

Hiling ng complainants, suspendihin ng Ombudsman si Acosta at mga kapwa akusado.

Kaugnay nito nangako si Ombudsman Samuel Martires sa reklamo ng mga complainant.

Kung pagbabatayin kasi ang Rules of Court, pwedeng idaan sa intervention ng isang kaso ang panibagong reklamo sa pamamagitan ng statement.

Pero aminado ang Ombudsman na manipis ang tsansang lumakad ang kaso kung hindi lulutang ang mga nagrereklamo.

Kung maaalala, hiniling sa anti-graft body ni Garrido noong Mayo ang suspensyon nina Acosta at Efre dahil sa hindi umano otorisadong pagbuo ng mga ito ng PAO forensic laboratory.

Ayon sa abogado, hindi dumaan sa approval ng Kamara at Senado ang pagtayo nina Acosta ng naturang pasilidad.

Samantala, tikom pa ang panig ni Efre tungkol sa akusasyon.