-- Advertisements --

Dumepensa si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta matapos aminin ng Office of the Ombudsman na sinimulan na nito ang imbestigasyon sa mga reklamong inihain laban sa opisyal.

Nitong araw nang humarap sa media si Acosta kasama ang kapwa akusadong si PAO forensic laboratory chief Dr. Erwin Efre.

Kung maaalala, patung-patong na reklamong graft and corruption ang isinampa ng abogadong si Atty. Wilfredo Garrido kaugnay ng mga hakbang ng dalawa sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Iginiit ni Acosta ang nilalaman ng Department Order 792 ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre na nag-uutos sa attached agency nito na PAO na tulungan ang pamilya ng mga batang pinaghihinalaang nabiktima ng bakuna.

Kaya malinaw daw na mandato ang kanilang ginagawa at hindi basta lang naghahabol ng kaso.

Nilinaw ng PAO chief na resulta ng mga autopsy ng doktor ang kanyang ipinipresenta at hindi sariling diagnosis sa mga suspected Dengvaxia death case.

“Nagda-diagnose raw ako, hindi ko sinabi kailanman na Doctor of Medicine ako. Sinasabi ko lang ang diagnosis o findings ng autopsy ng mga doktor,” ani Acosta.

“Bakit ako sinisisi nila sa dengue outbreak? Ako ba ‘yung lamok? Ako ba ‘yung virus?”