Isa-isang ibinida ngayon ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group ang kanilang mga nakamit na tagumpay sa nakalipas na taong 2023.
Ito ay kasabay ng kanilang pagdiriwang ng ika-71 taong founding anniversary ngayong araw sa Camp Crame, Quezon City.
Kabilang sa mga ibinida ni CIDG Director PMGen. Romeo Caramat Jr. ay ang 11,558 na mga indibidwal na naaresto nito kasama na ang mga most wanted criminals sa iba’t-ibang panig ng bansa mula sa 11,424 manhunt operations na ikininasa ng kanilang hanay mula noong Enero 1 hangang Disyembre 31, 2023.
Mula sa naturang bilang ng mga arestadong indibidwal ay 54 ang natimbog na lider, 442 ang mga miyembrong naaresto, habang nasa 125 ang kasapi ng Communist and Local Terrorist Group na nasakote ng kapulisan, kung saan 9 naman ang nasampahan ng kaso.
Bukod dito ay aabot din sa kabuuang 1,990 loose firearms, 435 explosives, at 41,244 assorted ammunition naman ang nasabat ng PNP-CIDG mula sa 1,370 police operations na kanilang isinagawa sa kaparehong taon.
Habang nagkakahalaga naman sa humigit-kumulang Php3.9-M na halaga ng bet money ang kanilang nakumpiska kung saan nasa mahigit 2-K indibidwal ang naaresto.
Pumapalo naman sa Php16.2 billion na halaga naman ng mga pekeng produkto ang nasamsam nito kaugnay sa kampanya laban sa Smuggling, Manufacturing, Distribution, and Trading ng Counterfeit Products.
Samantala, pagtitiyak naman ni MGen. Caramat, magpapatuloy ang kanilang hanay sa pagsasagawa ng kanilang misyon para sa layuning mas mapababa pa ang kiremn sa bansa para sa mas ligtas at mapayapang Pilipinas.