Arestado ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group na sangkot umano sa mga serye ng pagdukot sa Zamboanga Sibugay.

Ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya sa Brgy. Madaup, bayan ng Ipil.

Kinilala ni 1st Infantry Division spokesperson Capt. Clint Antipala ang naarestong suspek na si Maldimar Mahmor miyembro ng grupo ni ASG sub-leader Maldimar Mahmor sa ilalim ng leader na si Idang Susukan.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Ilegal Posession of Firearms and Ammunition ang isinampa laban sa suspek.

Ayon kay Lt. Col. Don Templonuevo, commander ng Army’s 44th Infantry Battalion, nagsisilbing liason officer ng mga bandido si Mahmor upang ikasa ang kidnapping activities ng grupo sa mga lalawigan ng Zamboanga del Norte at Sur.

Sinasabing kasama si Mahmor sa pagdukot ng Abu Sayaf sa indibiduwal, kabilang na ang ilang turistang European at Malaysian, gayundin ang ilang manggagawang Pinoy sa Sipadan nuong 2000.

Kasama rin si Mahmor sa pagdukot sa isang dating Alkalde ng Naga, Zamboanga Sibugay pati na sa mag-asawang Duterte sa bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte.

Nakuha mula kay Mahmor ang isang caliber-.38 baril, granada, magazine ng isang M16 na kargado ng mga bala at isang bala ng Rocket Propelled Granade.

Ayon naman kay 102nd Infantry Brigade Commander Col. Bangus Gearlan Jr.,malaking kawalan sa grupo ang pagkaka-aresto kay Mahmor.